Ang habagat at intertropical convergence zone ay magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao sa Sabado, ayon sa Pagasa.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration, apektado ng habagat ang mga bahagi ng Luzon at Visayas habang ang ITCZ naman ay umiiral sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sinabi ni weather specialist Veronica Torres na inaasahang magdudulot ng ulan ang habagat sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Palawan. Sa Visayas, apektado ang Iloilo, Antique, at Guimaras.
Ang ITCZ naman ay magdadala ng ulan sa Eastern Visayas, Caraga, Northern Mindanao, at Davao Region. Walang gale warning na ipinapatupad sa anumang seaboard ng bansa. Samantala, lumabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Severe Tropical Storm Gardo noong Biyernes.