Magsasagawa ng state visit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan mula Mayo 26 hanggang 29, kasama ang Unang Ginang Liza Marcos, ayon sa anunsiyo ng Presidential Communications Office kahapon. Nagdiriwang ang dalawang bansa ng ika-70 anibersaryo ng pag-normalize ng relasyong diplomatiko ngayong taon.
Sa paanyaya ng pamahalaang Hapones, tatanggapin nina Emperor Naruhito at Empress Masako si Pangulong Marcos at ang Unang Ginang sa Imperial Palace para sa welcome ceremony, state call, at state banquet.
Magkikita rin si Marcos kay Prime Minister Takaichi Sanae upang talakayin ang hinaharap ng strengthened strategic partnership ng Pilipinas at Japan, kabilang ang usapin sa energy at food security, at maritime security, ayon sa PCO.
Kasama rin sa iskedyul ang pagpupulong sa mga lider ng negosyo sa Japan at miyembro ng komunidad ng mga Pilipino doon. Ito ang ika-apat na pagbisita ni Marcos sa Japan bilang pangulo, pagkatapos ng mga pagbisita noong Pebrero at Disyembre 2023, at Hunyo ng nakaraang taon para sa World Expo 2025 sa Osaka.
Ayon sa Nikkei Asia, tatalakayin din umano ang kooperasyon para sa free and open Indo-Pacific at tugon sa maritime expansion ng China. Ang huling state visit ng pangulo ng Pilipinas sa Japan ay ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong Hunyo 2015, habang ang huling bisita ng emperador ng Japan sa Pilipinas ay nina Emperor Emeritus Akihito at Empress Emerita Michiko noong Enero 2016. Nag-normalize ang relasyon noong Hulyo 23, 1956, at noong 2024, nilagdaan ang Reciprocal Access Agreement para sa joint combat training.