Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na magdudulot ng ulan ang habagat sa ilang probinsya sa bansa ngayong Huwebes.
Ayon sa Pagasa, makararanas ng scattered rains at thunderstorms ang Palawan at Occidental Mindoro dahil sa habagat. Maaaring magdulot ito ng flash floods o landslides sa mga apektadong lugar.
Ang habagat ay magdudulot din ng isolated rain showers o thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Tawi-Tawi, at Antique. Ang iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng isolated rains dahil sa easterlies at localized thunderstorms.
Samantala, lumabas na sa Philippine area of responsibility ang Tropical Depression Henry noong 8 pm noong Miyerkules. Ito ay umalis makalipas lamang ang 18 oras mula nang ito ay mabuo.